Nasa Friday Magic Madness na yung mga paborito
mong kanta. Nakaka-relate ka na sa Classic MTV.
Lesbiana na yung kinaaaliwan mong child star dati.
Nanay na lagi ang role ng crush na crush mong
matinee idol noon.
Dati, pag may panot, sisigaw ka agad
ng "PENDONG!". Ngayon, pag may sumisigaw
nun, ikaw na yung napapraning. Parang botika na
ang cabinet mo. May multivitamins, vitamin E,
vitamin C, royal jelly, tsaka ginko biloba.
Dati, laging may inuman. Sa inuman, may lechon,
sisig, kaldereta, inihaw na liempo, pusit, at kung
anu-ano pa. Ngayon, nagkukumpulan na lang kayo
ng mga kasama mo sa Starbucks at oorder ng tea.
Wala na ang mga kaibigan mo noon.
Ang dating masasayang tawanan ng barkada sa
canteen, napalitan na ng walang katapusang
pagrereklamo tungkol sa kumpanya ninyo. Wala
na ang best friend mo na lagi mong pinupuntahan
kapag may problema ka.
Mahirap nang makahanap ng totoong kaibigan.
Hindi mo kayang pagkatiwalaan ang kasama mo
araw-araw sa opisina. Kung sabagay, nagkakilala
lang kayo dahil gusto ninyong kumita ng pera at
umakyat sa tinatawag nilang "corporate ladder".
Anumang pagkakaibigang umusbong galing sa
pera at ambisyon ay hindi talaga totoong
pagkakaibigan. Pera din at ambisyon ang sisira sa
inyong dalawa.
Pera. Pera na ang nagpapatakbo ng buhay mo.
Alipin ka na ng Meralco, PLDT, SkyCable, Globe,
Smart, at Sun. Alipin ka ng Midnight Madness.
Alipin ka ng tollgate sa expressway. Alipin ka ng
credit card mo. Alipin ka ng ATM. Alipin ka ng BIR.
Dati-rati masaya ka na sa isang platong instant
pancit canton. Ngayon, dapat may kasamang
italian chicken ang fettucine alfredo mo. Masaya
ka na noon pag nakakapag-ober-da-bakod kayo
para makapagswimming. Ngayon, ayaw
mong lumangoy kung hindi Boracay o Puerto
Galera ang lugar. Dati, sulit na sulit na sa yo ang
gin pomelo. Ngayon, pagkatapos ng ilang bote ng
red wine, maghahanap ka ng San Mig Light o
Vodka Cruiser.
Wala ka nang magawa. Sumasabay ang lifestyle
mo sa income mo. Nagtataka ka kung bakit hindi
ka pa rin nakakaipon kahit tumataas ang sweldo
mo. Yung mga bagay na gusto mong bilhin dati na
sinasabi mong hindi mo
kailangan, abot-kamay mo na. Pero kahit nasa iyo
na ang mga gusto mong bilhin, hindi ka pa rin
makuntento.
Saan ka ba papunta?
Tol, gumising ka. Hindi ka nabuhay sa mundong ito
para maging isa lang sa mga baterya ng mga
machines sa Matrix. Hanapin mo ang dahilan kung
bakit nilagay ka rito. Kung ang buhay mo ngayon
ay uulit-ulit lang hanggang
maging singkwenta anyos ka na, magsisisi ka.
Lumingon ka kung paano ka nagsimula, isipin ang
mga tao at mga bagay na nagpasaya sa yo.
Balikan mo sila.
Ikaw ang nagbago, hindi ang mundo.