Ang Pagpapakatao’t Pagpapakabayani
Noahlyn Maranan Kay Dr. FGD, na tahimik na nagpakabayaniAng pagpapaulit-ulit at pagpapaikot-ikot ng buhay ay isang hindi
mapasusubaliang realidad. Sa buhay na itong ang nakikita ay ang kagyat
na kasalukuyan gawa ng mga kahingian ng kasalukuyan at gawa ng tigating
ng mga kahingiang ito gaya ng pag-angat ng estado sa lipunan,
pagtatawid-gutom, at pagpapalipas ng gabi hanggang sa madatnan pang
muli ng umaga, ang pagtingin sa buhay, kung ano ang tinutuon nito, ay
nawawala sa isip.
Sa buhay na ito, ganun pa man, may mga taong magpapakilala sa atin
sa bilis ng mga taon nang walang tinutungo; sa kawalang kapararakan ng
buhay kung hindi mabubuhay nang may pagpapakatao’t may pagpapahalaga sa
bawat segundo; sa pagtingin ng kagandahan sa bawat tao; sa pagiging
masaya sa pagiging simple; sa pagpapahalaga sa saysay at esensya kaysa
sa mga panlabas na palabok lamang.
Sa paaralan, may mga taong makapagtuturo sa atin ng ganito, ngunit
hindi silang lahat; bihira ang taong may kakayanang magturo higit pa sa
itinatakda ng mga libro o ng deskripsyon ng kurso. Bihira ang gurong
nakapag-iiwan ng kaalamang hindi nabubura sa gitna ng mga impormasyong
natutunan na nalilimutan rin naman.
Sinasabing bayani ang mga guro; sa aking palagay, kumporme sa guro.
Bago pa man maging guro ang isang guro, siya’y tao muna, at hinihingi
rin sa kanya ang pagpapakatotoong-tao. Paano nga bang ang mga
kahingiang iyon ay matugunan sa gitna ng pagpapakadalubhasa sa
larangang ito?
Ang pagkabayani ay hindi salitang basta-basta lamang sana inilalapat nang wala sa isip.
May kilala akong taong nalampasan ang mga kagyat na pangangailangan;
tumandang may kabihasnan at karunungan; at nabuhay higit pa sa
kahingian ng itinakda ng kanyang pisikal na konstitusyong kumain,
magpakabundat, magpasasa, at magpasarap. Ipinakilala niya sa akin, at
malamang sa iba rin, kung paano ba maging tao– kung paano bang sa bawat
paglipas ng panahon ay mapanatili ang paghinga nang hindi nalilimutan
ang paglampas sa itinatakda ng pisikal na mga pangangailangan o
kagustuhan lamang, at pamumuhay nang naayon sa prinsipyong inaakala
niyang tama, popular man ito o hindi.
Guro rin ang taong ito at hindi siya bayani gawa ng pakikisakay
lamang sa pagtawag sa mga gurong bayani. Totoo, maliit ang kanyang
sirkulong ginagalawan–ang Unibersidad na parehong kinalalagyan ng
kanyang tahanan at ng kanyang mga estudyante. Totoo, hindi siya pasikat
kagaya ng ibang tinitingnan ang bawat gawaing sosyal bilang oportunidad
ng higit na pag-angat. Sa kanyang simpleng paraan, sa kanyang
pagsusumikap at paglinang pa ng karunungan, tahimik siyang nabuhay,
bagama’t minsa’y hindi ito napahahalagahan ng estudyante. Hindi rin
masusukat ng bilang ng mga inilimbag na libro ang kanyang galing; nasa
puso, nasa kanyang pakikiugnay sa estudyante, ang hindi pagliban sa
klase, ang pagpasok kahit na maysakit, ang pagtitiyaga sa gitna ng edad
na 70 na hindi iwan ang pagtuturo para sa mahal niyang mga estudyante.
Hindi lahat ng guro ay ganito.
Sa edad na 24, sa bahagi ko, hindi pa totoo ang kamatayan, ang
pagkakasakit; higit na nakikita ang kalakasan, ang pag-iisip ng
imortalidad na isang ilusyon nga lamang ng batang kagaya ko. Subalit
nang makilala ko ang gurong ito, naging totoo ito sa akin; kadalasan,
ginagawa lamang niyang biro sa klase ang pagkamatay at sinasabing ito
ay normal na kinahahantungan ng buhay. Hindi niya inikutan palayo ang
kamatayan; bagkus ay hinarap niya ito. At tuloy sa aking pagtingin
paikot, pabalik sa lumipas sa mga nagawa niya, nang humantong na nga
ang kanyang katapusan, nakita ko kung paaanong mapaglaro nga ang
kapalaran–lahat, sino man, singdunong at bihasa man niya, ay
humahantong rin sa parehong katapusan. Naging totoo ang kamatayan;
naging totoo ang buhay.
Buong-buo ang pagiging tao ng gurong ito, at hindi man popular na
bayaning kinikilala sa labas ng kanyang mga kakilala’t estudyante,
ginawa niya nang buong husay, at nang tahimik–sa abot ng kanyang
makakaya–ang maging isang taong nagpapakataong totoo. Sapagkat maaaring
ang isa’y mamatay na bayani, ngunit manatiling walang pagpapahalaga sa
buhay o pagkamangha rito. May mga taong nagpakataong-totoo’t hindi
bayaning maituturing. At mayroon namang nagpakatao’t bayaning
maituturing.
Sa pamamagitan ng mga taong may pinagkatandaan, may kabihasnan,
nakikita ko ang aking kalagayan–isang kabataang nagsisimula pa lamang,
may pupuntahan, may mga pipiliing daan—at alam kong may kailangang
lampasang kahinaan–ang magpakatao–hindi man gawaran ng pagkabayani.