Isang Panawagan
Michael Balba Bakit nagkakaganito?
Anong nangyari sa bayan ko?
Sawa na ‘ko magbasa ng dyaryo,
Pagkat balita ay pare-pareho.
Sa tuwina ay nagtuturuan,
Mga pulitiko’y nagpapagalingan.
Laging sinasabi si ganito at si ganyan,
Maraming kaso, di dapat pagkatiwalaan.
Noong nanungkulan si Pang. Marcos,
Kahit noon ay isang musmos,
Laging naririnig ay pagbatikos,
Inang bayan daw ay di naaayos.
Naaalala ko nong naupo si Pang. Cory,
Tao sa EDSA noon ay pagkarami,
Ito raw ang makabubuti,
Sa inang bayang naduduhagi.
Noong pumalit si Pang. Ramos,
Bayan daw ay lalong naghikahos,
Dumami raw batang namamalimos,
Nadagdagan ang pamilyang kinapos.
Pumalit naman si Pang. Erap,
Sabi ay tunay na makamahirap,
Akala’y s’ya ang pag-asa sa pag-unlad,
Ngunit pangako nga ba ay napako lahat?
Nayong naman nakaupo si Pang. Gloria
Pag-unlad ng baya’y nalimot na.
Iba-iba naglalabasang istorya,
Nalimutan ang tunay na pagkakaisa.
May bukas kayang naghihintay
Sa Inang Bayang minamahal?
Sana lahat ng nahahalal,
Isapuso ang panunungkulan.
Di naman kasi makabubuti,
Pagkat Inang Bayan ang naaapi,
Kung laging iisipin ay sarili,
At pagkakaisa ay isasantabi.
Itong tula ko ay isang panawagan,
Isang paalala rin sa kinauukulan:
Magkaisa tayo at magmahalan,
Para sa pag-unlad ng Bayan.
Isang panawagan itong aking akda,
Isang panawagan mula sa simpleng makata,
Isang panawagan para sa ating bansa,
Isang panawagan na mapansin nawa!