Maikling Kuwento
Bote, Dyaryo, Bakal
Noel Sales Barcelona Umalog ang bahay nila sa
pagdaan ng “ahas na bakal”. Weee! Weee! Tsug-tsug-tsug! Hiyaw nito
papalayo samantalang mulagat na nakamata sa kanilang sira-sirang kisame
si Tino. Wala ang kanyang itay. Alam niya, maagang umalis patungong
konstruksiyon doon sa may Punta. Kung saan man ‘yon, ‘di niya alam.
Bagaman Sabado.
“Inay! Ano’ng almusal?” kinusut-kusot ang mata habang pababa sa
tatlong baitang na hagdan. Naglalaba si Marta, ang kanyang ina. Parang
sorbetes ang tingin niya sa puting-puting bulang nag-uumpaw mula sa
kanyang batya.
“Ay! Gising na pala ang bunso ko,” anang kanyang ina. Nakangiti. Ang
butuhang-mukha, hagyang nabanat sa pagkakangiti sa anak na magpipitong
taong gulang. Sa kanyang bulto, akala mong limang taon lamang siya.
Maliit. Payat. Hagyang malaki ang tiyan. Halatang kulang sa nutrisyon.
“E ‘di ang paborito mo, pandesal at keso. O siya, malaki na naman
ang bunso ko eh. Ikaw na lamang ang magtimpla ng gatas mo ha? Mag-ingat
lamang at baka mabanlian,” sabi sa anak habang patuloy ang pagkusot sa
santambak na labada.
Ingat na ingat siya sa pagsasalin ng mainit na tubig sa basong mula
sa naubos na kapeng binili noong Pasko. Tinimpla ang gatas na halos
paubos na. Kaunting asukal ang inihalo. Ayaw niya ang masyadong
matamis. Saka nagpalaman ng keso sa malamig nang pandesal.
Hinawakan niya ang bibig ng baso. Hindi kaya ng kanyang mumunting
kamay ang init na isinisingaw ng baso. Kagat sa bibig ang pandesal,
nagtungo siya sa pinto para doon kumain. Gustung-gusto niyang
pinapanood ang paglalaba ng kanyang ina. Sa pagitan ng
kagat-subo-lagok, nulas sa bibig niya ang tanong:
“Inay, kailan ako papasok sa eskuwela?”
Napamulagat sa kanya ang ina.
“Malapit na anak. Kailangan lang eh, makaipon ng kaunti para
makabili ka ng bag, sapatos, uniporme, lapis at papel. Saka notbuk,”
sabi ng ina, tumungo para muling kusutin ang binubunong labada kanina.
“Kailan po ‘yon? Sabi ninyo ni tatay, noong isang taon, mag-aaral na
ako. Marunong na naman akong bumasa ng abakada ah! Saka magbilang
hanggang sampu. Tinuruan ako ni ate Marie,” inosenteng komento ng
paslit. Kagat-nguya-lagok sa pagitan ng batang pagmumuni-muni.
“Eh, wala pa kasi tayong pera. Ha’mo, itatanong ko ke tatay kung may
pera siya para makabili ka ng gagamitin mo at saka kita ipapasok diyan,
sa may elementari iskul,” sabi ng ina. Parang may bikig sa lalamunan.
Patuloy lamang ang kusot at piga. Pilit na itinatago sa anak ang
bugtong sa kanyang mga mata.
“Nanay, punta lamang po ako kina Len-len ha? Laro lang kami,” sabi niya.
“Nailagay mo ba sa lababo ang pinagkanan mo, ha?” sabi ng ina. Tango ang nakamit mula kay Tino.
“Mag-iingat ka… ang tren!” sabi ng ina, sa tinig, bakas ang mahigpit ang habilin.
“Opo! Tumatabi naman kami kapag dumaraan ‘yun,” sabi ni Tinong parang nagmamalaking kaya niyang iwasan ang tren.
“Sinasabi ko lang. ‘Di ako lagay na naglalaro kayo sa gitna ng
riles. Naku! Kapag nakita kita! May pingol,” sabi niya kay Tino na
anyong nanggigil subalit biglang bawi sa ngiti. Napangiti si Tino.
Sabay takbo sa labas.
Binaybay ni Tino ang gilid ng riles ng tren. Panglimang bahay ang
bahay nina Len-len. Pagtapat pa lamang sa may bintana, isinigaw ang
pangalan ng kalaro. Walang sumagot liban sa ina ng kalaro.
“Naku, Tino! Wala si Len-len. Sumama sa ama niya para manguha ng
dyaryo at bote. Pero baka pabalik na sila. Kanina pang madaling-araw
‘yon eh,” sabi ni Aling Laring.
“Ganoon po ba? Sige po, intayin ko na lang ho siya rito,” sabi niya.
“O sige. Pero baka mainip ka? O ayan na pala sila, eh!” ani Aling
Laring nang makita ang mag-amang nagbibiruan pang nagtutulak ng wala
nang laman ng kariton liban sa ilang kilong bigas, ilang itlog, at
instant mami.
“Tino! Ang aga mo ha?” sabi ni Len-len sa kalaro. Ni hindi man
lamang natulungan ang ama sa pagbababa ng laman ng kariton. Tuwang
sinalubong ang kalaro.
“Tay, laro lang kami,” sabi kay Mang Ador, habang papasok sa pinto ng kanilang barung-barong.
“O siya, at mag-iingat kayo!” sabi nito na hinabol ng tanaw ang papalayo nang mga paslit.
“Malaki ba ang kita sa bakal-bote?” tanong ni Tino habang sinisipat
ang tansang nakakulong sa parisukat. Pagbato ng pato, apat na tansan
ang tumilapon papalabas ng kuwadrado.
“Medyo, lalo na kung pinitpit na lata ng softdrink ang ibebenta mo
saka iyon bang kawad ng kuryente… tanso! Yun nga, mas mahal ang dilaw
kaysa sa pula. Sa dyaryo, mura lang eh,” pakli ng kalaro habang
tinitingnan ang pagsipat ni Tino sa nalalabing anim na tansang
nakakulong sa kuwadrado.
“Ahh… sumama kaya ako sa inyo, ano? Kasi kailangan daw ng pera para
makabili ako ng gamit sa eskuwela… Ikaw ba, papasok ka na ba sa
eskuwela?” tanong niya kay Len-len sabay iling nang hindi man lamang
nakapagpalabas ng isa sa natitirang anim na tansan.
“Oo raw. Hindi ko alam kina Inay at Itay eh. Gusto mong sumama
puwede naman. Kaso papayag ba ang tatay at nanay mo?” sabi ni Len-len
na nakapaglabas ng tatlo sa natitirang anim.
“Papayag naman siguro ang mga ‘yon. Saka gustung-gusto ko na
talagang pumasok sa eskuwela,” aniya. Pinagmasdan niya ang pagtilapon
mula sa kuwadrado ang tatlo pang tansan.
“Lalabas ba ulit kayo mamamaya?”
“Oo,” sabi ng kalarong muling inaayos ang mga tansan para muling sipatin at tirahin.
“Sama ako. Kahit sandali lang para maranasan ko ang ginagawa n’yo. Puwede ba?” sabi niya, himig nakikiusap sa kalaro.
“Sige. Pero dapat magpaalam ka ha? Iyong maayos,” bilin ng kalaro.
Tanghalian. Sa pagitan ng pagsubo, sinabi niya sa ina ang gustong
mangyari. Sasama siyang magtulak ng kariton at maghalukay ng basura
para magkaroon ng kaunting barya.
“Hindi mo naman kailangang gawin iyon. Saka, maliit ka pa,” sabi ng ina.
“Pero bakit po si Len-Len, sumasama?” sabi ni Tino. Tila maiiyak.
Nahabag ang ina. Sa kanyang puso, alam niya ang pagnanasa ng kanyang
anak na makapag-aaral. Matagal na niyang napupuna ang inggit sa munting
mga mata ng anak sa mga nagsisipasok na mga bata doon sa kalapit na
eskuwelahan. Minsan, nakikita niyang nakatanghod ang anak sa mga ito.
Ang lumang abakadang napulot ng ama sa basurahan ang pinagtitiyagaang
basahin. Kabisado na niya ang mga nakasulat doon–mula sa puso.
“O siya. Kunsabagay, hindi naman siguro masamang sumama ka. Pero
ngayon lang ha? Hindi papayag tiyak si Tatay na lagi kang sasama sa
pagbabasura at baka magkasakit ka.”
Kumislap ang mga mata ng paslit. Maya-maya pa, kasama siya ng kalaro at ng ama nito sa pagtutulak ng kariton.
Dahil nasa munting puso ang pag-asam sa biyayang dulot ng dyaryo,
bote, bakal at iba pang basura, tila walang pagod ang munti niyang mga
bisig. Basyo ng hinyebra, toyo, patis ang nakita sa basura. Ang mga
papel, na kahit matagal niya bago maisalansan dahil sa binabasa ang
laman, masinop na inilalagay sa kanilang kariton.
“Ang sipag naman ni Tino ah!” sabi ni Mang Ador. Binibilang ang nakikitang basura ng paslit.
“Gusto ko po kasing pumasok sa eskuwela,” sabi niya, nakangiti.
“Naku, talagang mana ka sa tatay mo! Ha-ha-ha! Basta’t may gusto,
ginagawa ang lahat. O siya, tama na ‘yan at marami na tayong nakuha,”
sabi ni Mang Ador sa paslit.
“Mayroon pa po, banda roon. Kukunin ko lang,” sabi ni Tino.
“O siya, sige. Mag-iingat ka ha? Puntahan ka namin ni Len-len maya-maya.
Masigla ang katawan niya, patalun-talon pa habang papunta sa
kinakitaan ng maraming basurang pinapag-asang makatutulong sa kanya
para makapasok sa munting eskuwelahang malapit sa kanila.
Mga boteng nagkalat sa tabi ng riles at ilang bakal sa mismong gitna
nito ang nakita ni Tino. May ilang karton din na mula sa mga
bahay-bahay na ibinagna na lamang sa tabi.
Nasinop na niya sa dalang sako ang ilang boteng nasa tabi ng riles.
Nalibang naman siya sa pagkuha ng ilang pirasong bakal na nasa gitna ng
perokaril. May ilang bote rin ng hinyebra at piraso ng garapa ang nasa
gitna ng dinadaaanan ng tren na gumigising sa kanya tuwing umaga. May
ilang dyaryo rin siyang nakita. Binasa ang ilang nakalaman saka
isinilid sa sako. Makadaragdag din, sabi ng kanyang munting puso.
Nalilibang siya habang sinasabi sa sarili na baka makabili siya ng bag
at ilang gamit pang-eskuwela kapag napuno niya ang sako.
Samantalang nagmumuni-muni, patuloy ang silid ng paslit ng mga
nakikitang bote sa kanyang sako. Linga… linga… linga… Kapag may
nakitang maaring pakinabangan, silid sa sakong nangangalahati na rin.
Mabigat. Halos hila na niya subalit walang pagod ang katawan niya.
“Gusto kong pumasok sa eskuwela,” sabi ng munting isip niya.
Nalunod ng mga pangitain ng eskuwela ang isip ni Tino. Linga. Kapag
may nakita, kuha, silid sa sako. Napatili ang kaibigan niyang si
Len-len. Lunod ang isip ni Tino sa pangitain ng eskuwelahan, ng mga
bata. Hindi niya naririnig ang tili ni Len-len at ang sigaw ng ama
nito. Hindi niya naririnig ang huni ng tren…