Number of posts : 639 Age : 57 Registration date : 2007-07-26
Subject: MODERNISASYON AT TRADISYON Tue Jul 31, 2007 12:39 am
MODERNISASYON AT TRADISYON Sanaysay ni Alex Vincent Mendoza
Handa ka na ba sa pagdating ng bagong milenyo? Ngayon pa lamang ay abalang-abla na ang marami sa paghahanda para sa nalalapit na taong 2000. Sa kabila ng mga alinlangan tungkol sa naghihintay sa atin sa susunod na siglo, ito'y nagsisilbing hudyat sa pagsilang ng mga inobasyon at tuklas sa makabagong kaalaman.
Ating nasaksihan kung paano pinaunlad at pinausbong ng panahon ang ating pamumuhay sa pamamagitan ng agham at teknolohiya. Hindi maipagkakailang malaki ang naitulong nito sa pagpapaangat ng antas ng ating pamumuhay.
Ngunit nakalulungkot isipin na ang kapalit ng malawakang rebolusyon para sa modernisasyon ay nagdudulot din rin sa atin sa paglimot at pagtalikod sa mga nakagisnang kaugalian.
Napakalaki na ng pinagbago ng ating pamamaraan sa komunikasyon. Unti-unti nang nawawala ang pagpapadala ng sulat sa koreo. Ngayon ay may e-mail na at ang tawag sa lumang paraan ay 'snail-mail'. Dahil sa internet, maaari na tayong makapagpadala ng liham sa ating mga mahal sa buhay saan mang sulok ng mundo. Mula sa simpleng pagtawag sa telepono, naimbento ang mga pager o beeper, ang cellular phones at video-phones, at text-messaging. May mahihiling ka pa ba? Ito'y isang halimbawa ng hindi mapigilang paghahangad ng sangkatauhan sa pagbabago.
Ngunit dahil sa patuloy na ratsada ng modernisasyon, naibabaon sa hukay ang mga pinaghirapang pamana sa atin ng ating mga ninuno. Nabago na pati ang tradisyong dapat ay ating iniiangatan.
Sa bilis ng pagtakbo ng ating pamumuhay, ang babagal-bagal ay walang patutunguhan. Ito ang bagong prinsipyo sa kasalukuyan. Kaya naman naitutuon natin ang ating atensiyon sa ating mga sarili lamang. Wala na nga naman tayong panahon na intindihin ang kapakanan ng iba dahil kailangan nating maging abala para sa ating sarili. Nais nating makasabay sa mabilis na pagbabago kaya't isinasantabi natin ang iba. Tayo'y nagiging makasarili!
Hindi masama ang pag-unlad. Ito'y nagpapakita na tayo'y may kakayahan at talinong umangat sa ating pamumuhay. Ngunit ang pagbabago ay hindi paglimot sa mabuting asal at kaugalian o di kaya'y pagtalikod sa nakaraan. Bagkus ito ay pagpapatuloy ng tradisyon ng pakikipagbayanihan at pagiging kontento sa simpleng kabuhayan sapat at di naman salat. Kaya't sa pagdating ng ika-dalawampung siglo, huwag hayaang matangay ang sarili sa pagbabago. Walang kabuluhan ang modernisasyon kung ang mga mamamayan ay di-nagpapahalaga sa mga mahahalagang kaugalian mga kaugaliang naging pundasyon ng lipunan.