feuhighschool82
Would you like to react to this message? Create an account in a few clicks or log in to continue.

feuhighschool82

A blast from the past...friendships that last: An interactive forum among the proud members of the FEU High School Class of 1982.
 
PortalHomeGallerySearchLatest imagesRegisterLog in

 

 Ang paaralan sa mata ng mga mag-aaral

Go down 
AuthorMessage
reggie
Elite Contibutor
Elite Contibutor
reggie


Male Number of posts : 639
Age : 57
Registration date : 2007-07-26

Ang paaralan sa mata ng mga mag-aaral Empty
PostSubject: Ang paaralan sa mata ng mga mag-aaral   Ang paaralan sa mata ng mga mag-aaral Icon_minitimeTue Jul 31, 2007 12:40 am

Ang paaralan sa mata ng mga mag-aaral
Sanaysay ni Marlon C. Magtira


May mga pagkakataon na namomroblema ang ilang mag-aaral dahil
sa kakapusan ng kanilang pangtustos sa pag-aaral. Isang estudyante ang
lumapit sa akin at nagsabing baka bumagsak siya sa kanyang practical
arts class dahil wala siyang pambayad para sa mga proyekto. Ito kasing
teacher niya, may sistemang hindi maganda. Upang makapasa ang mga
estudyante, kinakailangang silang makakuha ng kaukulang puntos sa
pagtatapos ng klase. Makukuha lamang ang puntos sa pamamagitan ng
partisipasyon sa mga gawain sa klase pagrereport, pagrerecite at
syempre, pagpapasa ng mga project. Ang kaso, hindi libre ang mga gamit
para makapagreport, makapag-recite at makakuha ng mga kagamitan sa
projects. Hindi naman makapagreklamo ang pobreng mahirap na estudyante
dahil baka lalo pang lumala ang kanyang problema. Hindi lamang siya ang
may problemang katulad nito. Marami pang iba.
Mayroon naman akong estudyante na sa tingin ng ilan ay hindi mabuting
mag-aaral. Pero masasabi ko na marunong siya dahil sa kanyang mga sagot sa
talakayan. Mahihinuhang nauunawaan niya ang aming paksa at nakapagbibigay pa
nga siya ng malalalim na ideya na nakatutulong ng malaki sa daloy ng aming
diskusyon. Kaya lang, masasabi ko rin na hindi siya nagsisikap. Sa tingin ko
ay makakakuha siya ng matataas na marka kung pagsisipagan niya ang kanyang
pag-aaral. Sa tingin ko ay kuntento na siyang makapasa o kaya'y makuha ang
kinakailangang marka para manatili sa unibersidad. Minsan ay naghahanap pa
siya ng butas para pangatwiranan ang kanyang katamaran.
Sa isang pagkikita, mayroon akong ipinapasang sulatin bilang paghahanda sa
aming talakayan. Syempre, mayroong mga panutong dapat sundin sa paggawa ng
sulatin. Subalit malinaw na hindi sinunod ng mag-aaral na ito ang wastong
paraan sa gawain. Ang kanyang ipinasa ay resulta ng pagmamadali at marahil
ay para lamang masabi na mayroon siyang ipinasa. Pagkatapos ng klase ay
kinausap ko siya at sinabi ko sa kanya na maaari pang maging maaayos ang
kanyang nagawa kung paglalaanan lamang niya ito ng wastong panahon. Subalit
sinabi niya sa akin na... ano ang aking magagawa, e sa hanggang doon lang
ang aking kakayahan... Sir, pinaghirapan ko yan, nagsusumikap na nga akong
mag-aaral tapos papahiyain n'yo pa ako"
Ito namang isa, palagi na ngang mababa ang nakukuha sa mga pagsusulit, hindi
pa nakikiisa sa mga gawain. Pilit bang sinasabi sa kanyang sarili na wala
siyang kakayahan. Naaalala ko noong simula pa lamang ng pasukan, nag-ipit
siya ng sulat sa aking lamesa. Sabi niya … "Sir, I'm hope that I will passed
this subject because it was my third time…" O-may-gulay!!! Ano ba ito?
Hanggang sa matapos ang klase, kahit na anong pilit ang gawin ko para lamang
makiisa siya sa mga gawin ay nandoon pa rin siya sa kanyang sariling daigdig
sa sulok ng silid. Sa sumunod na taon, hindi ko na siya nakita dahil hindi
pinapayagan sa aming paaralan ang pag-ulit ng aralin sa ikaapat na pagkakataon.
Hindi mainam na karanasan sa paaralan ang aking mga nabanggit. Para sa mga
mag-aaral, sa halip na lalawak ang kanilang kaisipan ay maaari pang kumitid
dahil sa mga ganitong pangyayari.
Isa namang mag-aaral ang nagsabi sa akin, kailangan pa ba talagang pumasok
sa paaralan ang mga kabataan? Madali mong masasabi na napaka-estupidong
tanong ang tulad nito? Subalit namangha ako sa tinuran ng aking estudyante.
Sabi nya, "hindi ba't ang paaralan ay sinasabing lugar na maghahanda sa
kabataan upang harapin ang mga suliranin sa lipunan? Hindi ba't ang
paaaralan ang sinasabing magbibigay sa atin ng mga kaalaman upang ang
kabataan ay magkaroon ng makabuluhang pakikilahok sa mga gawain sa lipunan?
E ano ang nakikita natin? Natutunan namin ang mga bagay na dapat gawin para
pagdating ng panahon ay kaharaping muli ang parehong suliranin sa lipunan.
Kung ano ang ginawa ng naunang henerasyon ay gagawin din namin. Siyempre
parehong problema, parehong paraan ng paghahanap ng solusyon, parehong hindi
makakamit ang solusyon… walang pagbabago."
Masasalamin sa mga mata ng estudyanteng ito na natutunan niya ang kanyang
mga aralin. Nalaman niya na siya'y isang mahalagang bahagi ng lipunang
kanyang ginagalawan. At alam niyang dapat kumilos para sa pagbabago para sa
kaunlaran. Paano nga naman uunlad kung walang pagbabago.
Napakahalaga ng paaralan, hangga't nagdudulot ito ng kaunlaran para sa mga
pumapasok dito. Kung hindi nga naman nakatutulong at sa halip ay
nakapeperhuwisyo pa ay dapat nga lang na wasakin ang mga paaralan. Bago
natin sisihin ang paaralan, tingnan muna natin kung ano ang ating ginagawa.
Paano ba natin tinitingnan ang ating paaralan?

Itinanong ko sa mga estudyante ko: Bakit nga ba kayo pumapasok sa paaralan?
Sabi ng marami... "e, kasi dapat e… dapat makatapos para magkatrabaho ng
maganda… dapat me alam ka kasi hindi maganda kapag wala kang alam…" Ganoon
ba iyon?
Dapat isaisip ng mga mag-aaral na sila ay pumapasok hindi dahil sa
kariwasaang kanilang makakamtan sa hinaharap, kundi dahil nais nilang
magkaroon ng kaalaman. Kung pumapasok ka sa paaralan dahil napipilitan ka
lamang, maaaring ka ngang makatapos subalit malaki ang posibilidad na hindi
mo magagamit ang iyong mga natutuhan. Magiging pansamantala lamang ang mga
ito dahil ang mga bagay na ipinilit malaman ay madaling malilimutan.
Magkakaroon ka ng mapagsikap na gawi kung sasabihin mo sa iyong sarili na
pumapasok ka sa paaralan dahil nais mong magkaroon ng kaalaman. Kung ito ang
iyong isasa-isip, magkakaroon ka ng masidhing pagnanais na matutunan ang mga
bagay na maaari mong magamit tungo sa iyong kaunlaran.

Para sa mga Pilipino, napakataas ng ating tingin sa edukasyon na madalas ay
ikinakasing-kahulugan sa mga paaralan. Kung nakapag-aral ka, mas madali ang
iyong pag-unlad. Kaya, ang edukasyon ay nagmimistulang puhunan at balang
araw ay malaki ang tubo. Ang edukasyon ay proseso ng pagkatuto samantalang
ang paaralan ay isang instrumento ng edukasyon. Sa halip na ang paaralan ay
magiging insrumento ng karunungan ay nagmimistula itong paluwagan na may
inaasahang malaking sahod balang araw. Hindi naman natin masisi ang ating
mga magulang dahil sawang-sawa na sila sa kahirapan. At marahil ay nais nga
nila na tayo ay umunlad.

Ano kaya ang mangyayari kung magiging ganito ang takbo ng pag-iisip ng lahat
ng mag-aaral? Nakaiinis kung wala kang pambili ng mga kagamitan para sa mga
proyekto. Hindi ka na magsisikap na magkaroon ng mas malawak na kaalaman
dahil pwede na ang makapasa lang. Hindi ka magsisikap dahil hanggang doon
lang iyong kakayahan. At ang pinakamasama, hindi tayo makatutulong para sa
kaunlaran ng ating bayan. Hindi tayo magiging instrumento para sa
makabuluhang pagbabago ng ating lipunan… Ikaw, bakit ka nag-aaral?
Back to top Go down
 
Ang paaralan sa mata ng mga mag-aaral
Back to top 
Page 1 of 1

Permissions in this forum:You cannot reply to topics in this forum
feuhighschool82 :: Knowledge is Power :: Politics, Current Events and Filipino Patriotism-
Jump to: